ANG PANUKALANG BADYET NG SUCS SA TAONG 2013: Daan sa pagpapaigting ng komersyalisasyon, malakihang panlilinlang sa kabataan
Habang tumatagal, higit na nagiging kumplikado ang mga panlilinlang ng rehimeng Aquino.
Kung hindi kikilatising mabuti, maaaring madaling mahulog sa panlilinlang na dala ng pangakong pagtaas ng pondo at pagpapaunlad ng edukasyong tersyaryo na binibitiwan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Mula sa kanyang pahayag noong 2010 na unti-unting babawasan ang pondo ng state universities and colleges (SUCs) upang mapwersa ang mga pamantasan na kumita ng sariling pondo, bahagyang nag-iba ang tono ng gobyernong Aquino sa kanyang 2013 Presidential Budget Message.
“Hindi po pinababayaan ng aking administrasyon ang ating mga pampublikong pamantasan, at higit sa lahat, ang mga iskolar ng bayan.” (President Benigno Aquino III, Budget Message 2013)
Dulot ng militanteng pakikipaglaban ng kilusang kabataan sa mga pagkaltas sa badyet ng edukasyong tersyaryo sa nakaraang mga taon, ninais ng rehimeng Aquino na ipakitang nakikinig ito sa “atas ng taumbayan.” Sa ganitong layon, nakatakdang tumaas ng halos 44 porsyento o P11.3 bilyon ang panukalang pondo para sa 110 SUCs sa susunod na taon, tungong P37.1 bilyon mula sa kasalukuyang P25.8 bilyon.
Ngunit sa masusing pag-aaral at pagtitilad ng panukalang badyet ng SUCs sa susunod na taon, mailalantad na doble-kara ang nasabing pagtaas at isang malakihang panlilinlang ang ipinalalabas ng rehimeng Aquino. Samantalang lumilitaw na may karagdagang badyet na inilaan para sa mga pampublikong pamantasan, hindi maikakailang ang tunguhin ng pagtaas na ito, at ng kabuuang larga ng edukasyong tersyaryo sa susunod na taon ay pagpapaigting ng komersyalisasyon sa pamamagitan ng pagpapataas ng kita at mahigpit na pagtatali ng edukasyon sa pangangailangan ng pandaigdigang merkado.
Doble-karang pagtaas
Masasabing doble-kara ang pagtaas na ihinahain ng gobyernong Aquino – sa isang banda, sinasabi nitong ito na ang kasagutan sa daing ng sektor ng kabataan, ngunit sa kabilang banda, punong-puno ito ng panlilinlang at lubhang hindi pa rin nakasasapat sa pangangailangan ng edukasyong tersyaryo.
Kung kikilatising mabuti ang panukalang badyet ng SUCs, 37 porsyento lamang at hindi 44 porsyento ang itinaas ng badyet para sa 2013. Sa P37.1 bilyong laan para sa SUCs sa 2013, P32.7 bilyon lamang dito ang pondo para sa mga direktang line item.
Narito ang breakdown ng nasabing P37.1 bilyong panukalang badyet para sa 2013:
| Direct to SUCs | ₱ 32,771,509,000 |
| Miscellaneous Personnel Benefit Fund | ₱ 2,203,235,000 |
| Retirement and Life Insurance Premiums | ₱ 2,153,221,000 |
| TOTAL | ₱ 37,127,965,000 |
Ang Retirement and Life Insurance Premiums (RLIP) ay bahagi ng automatic appropriations, at kung tutuusin ay hindi naman talaga bahagi ng pondo para sa operasyon ng SUCs, kundi pambayad ng pensyon ng mga nagretirong guro at kawani. Samantala, ang pondong nakalagak sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) ay pondong pambayad ng sweldo para sa mga unfilled position sa SUCs. Gayunman, hawak ito ng Department of Budget and Management (DBM) at inilalabas lamang kung sakaling mapunan ng SUCs ang nasabing unfilled positions.
Sa gayon, kung ihihiwalay ang pondo para sa RLIP at MPBF, papatak na P32.7 bilyon lamang ang nakatakdang matanggap ng SUCs, mas mataas lamang ng 37 porsyento kaysa kasalukuyang P23.8 bilyon.
Gayundin, kailangang pakatandaan na hindi agarang lumalabas ang nasabing panukalang pondo, kahit pa maaprubahan ito ng kongreso at maisabatas. Sa katunayan, sa P23.8 bilyong pondo para sa 2012, may P308.3 milyon pang hindi nailalabas ang DBM. Para sa taong 2011, may P458 milyon pa sa P27.9 bilyong badyet ang hindi nailalabas.
Gayong may 37 porsyentong pagtaas sa pondo ng SUCs sa susunod na taon, lubhang kulang pa rin ito sa pangangailangan ng 110 SUCs. Sa katunayan, ang P37.1 bilyong panukalang pondo para sa 2013 ay 68 porsyento lamang ng kabuuang P54.6 bilyong panukala ng 110 SUCs, kulang ng P17.5 bilyon sa kabuuang pangangailangan ng SUCs.
| Proposed by SUCs | Recommended by DBM | Percent approved | |
| PS* | ₱31.149 B | ₱27.333 B | 87.75 |
| MOOE | ₱ 8.506 B | ₱6.429 B | 75.58 |
| CO | ₱14.958 B | ₱3.365 B | 22.5 |
| TOTAL | ₱54.613 B | ₱37.127 B | 67.98 |
*Kabilang sa nasabing datos ang awtomatikong pondo para sa RLIP
Kung titilarin naman ang bawat component ng badyet, lalo pang mapatitingkad kung gaano kaliit lang ang ipinagmamalaking pagtaas sa pondo ng gobyernong Aquino.
Kung aalisin ang RLIP, makatatanggap sa susunod na taon ang mga pampublikong pamantasan ng P22.97 bilyon para sa Personal Services (PS), ang pondong pinagkukunan ng sweldo at benefits ng mga guro at kawani ng SUCs, mas mataas ng P2.35 bilyon o 11 porsyento kaysa kasalukuyang P20.62 bilyon. Gayunman, ang nasabing pagtaas ay dulot ng pagpapatupad ng ikaapat at huling tranche ng Salary Standardization Law III (SSL 3) sa susunod na taon.
Samantala, para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), makatatanggap ang 110 SUCs ng P6.43 bilyon, mas mataas ng P3.42 bilyon kumpara sa kasalukuyang P3 bilyon o mahigit 88 porsyento. Gayunman, kalakhan ng nasabing pagtaas ay mapupunta lamang sa piling mga pamantasan, pangunahin na ang UP, na makakukuha ng P1.3 bilyon sa nasabing pagtaas.
Samantala, makatatanggap ang lahat ng SUCs ng pondo para sa Capital Outlay (CO) para sa susunod na taon. Tumaas ang pondo para sa nasabing component ng mahigit P3.17 bilyon, mula sa kasalukuyang P190 milyon na para lamang sa UP. Gayunman, kulang na kulang ang nasabing pondo sa pangangailan ng SUCs – halos 23 porsyento lamang ito ng P14.95 bilyon na hinihingi ng SUCs.
Lubhang maliit din ang nasabing pondo kung tutuusin, sapagkat dalawang taong hindi naglagay ng pondo ang DBM para sa CO. Kung matatandaan, sa unang dalawang taon ng rehimeng Aquino, ipinagpatuloy ng gobyerno ang pagpapababa sa pondo ng SUCs. Noong 2011, nakaltasan ng mahigit P1 bilyon ang badyet ng SUCs, samantalang tanging UP lamang ang binigyan ng pondo para sa CO sa kasalukuyang taon, samantalang mahigit 50 SUCs ang may kaltas sa kanilang pondo.
Gayundin, ilan sa mga susing pangangailangan ng SUCs, katulad ng pangangailangan ng Philippine General Hospital (PGH) sa ilalim ng UP, ay hindi popondohan ng gobyerno sa susunod na taon. Walang CO na matatanggap ang PGH para sa susunod na taon.
Kaduda-duda ring sa taon kung kailan gaganapin ang halalan ay saka lamang naglagak ang DBM ng pondo para sa mga bagong imprastraktura, na siya ring ginawa ng ahensya sa iba pang mga sangay ng gobyerno.
Sa gayon, madaling mapabubulaanan ang pahayag ng gobyerno na signipikante ang pagtaas sa pondo para sa pampublikong edukasyong tersyaryo. Sa katotohan, mumo lamang at pampalubag-loob ang ibinigay na pagtaas, at hindi nito nabubura ang epekto ng sistematikong pagkaltas sa pondo ng SUCs sa mga nakaraang taon.
Misalokasyon
Sa katunayan, ang P37.1 bilyong pondo para sa susunod na taon ay 0.31 porsyento lamang ng kabuuang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas. Samantala, ang P275.9 bilyong kabuuang pondo para sa sektor ng edukasyon (pinagsamang pondo ng Department of Education at SUCs) sa 2013 ay 2.3 porsyento lamang ng GDP ng bansa, malayo sa anim na porsyentong rekomendasyon ng United Nations. Lubhang mababa ang nasabing alokasyon kung ikukumpara ito sa 16.8 porsyento ng GDP na napupunta sa pagbabayad-utang, at halos isang porsyentong napupunta sa militar.
Sa isang pag-aaral ng Congressional Policy and Budget Research Department, isa ang Pilipinas sa may pinakamababang pondong inilalaan sa bawat estudyanteng nasa kolehiyo. Ayon sa nasabing pag-aaral, gumagasta lamang ng tinatayag $625 ang gobyerno sa bawat mag-aaral na nasa kolehiyo kada taon, mababa kumpara sa China ($2,728), Malaysia ($11,790) at Indonesia ($666). Mas mataas lang ito ng bahagya sa per capita spending on higher education ng India ($406).
Sa gayon, malinaw na patuloy ang pagtitipid ng gobyerno sa sektor ng edukasyon, samantalang patuloy na nakatatanggap ng malaking bahagi ng pambansang badyet ang pagbabayad-utang, militar at mga dole-out program gaya ng Conditional Cash Transfer (CCT) at mga proyektong Private-Public Partnership (PPP) na pakikinabangan ng mga pribadong negosyante.
Pagpapaigting ng komersyalisasyon
Samantalang malakihang panlilinlang at propaganda ang ginagawa ng administrasyong Aquino hinggil sa pagtaas ng badyet sa susunod na taon, inaasahan din ng pamahalaan na tataas pa ang kitang panloob ng SUCs para sa susunod na taon, at naghain ng panukalang paigtingin pa ang pagkamal ng kitang-panloob ng SUCs.
Sa katunayan, panukala ng Commission on Higher Education (CHED) na sa pagsapit ng taong 2016, kalahati na ng kabuuang pondong kailangan ng SUCs ay manggagaling sa kanilang panloob na kita. Sinasalamin nito ang tumitinding tulak ng gobyerno sa mga pampublikong pamantasan tungo sa komersyalisasyon, at sa kalaunan ay pag-abandona sa responsibilidad na pondohan ang mga pampublikong pamantasan.
Ayon sa 2013 Budget of Expenditures and Sources of Financing, inaasahan ng DBM na tataas ng halos P1 bilyon ang panloob na kita ng SUCs sa susunod na taon, tungong P14 bilyon mula sa kasalukuyang P13.1 bilyon. Bahagi ng inaasahang paglaki ng kita ang pagtaas ng halos P500 milyon na masisingil mula sa matrikula, tungong P6.76 bilyon mula sa kasalukuyang P6.26 bilyon. Gayundin, inaasahan din ng DBM na tataas ang kita mula sa iba pang bayarin ng halos P200 milyon, tungong P3.2 bilyon mula sa kasalukuyang P3 bilyon.
Isa lamang ang pakahulugan ng mga datos na ito – samantalang sinasabi ni Aquino na hindi pinababayaan ng kanyang administrasyon ang mga iskolar ng bayan, lalo pang sisirit ang presyo ng matrikula at iba pang bayarin sa susunod na taon. Mistulang ikinukubli ng barya-baryang pagtaas sa badyet ng SUCs ang tunay na layunin ng rehimeng Aquino – na patuloy pang udyukan ang mga pampublikong pamantasan na magtaas ng matrikula.
Patuloy ang ganitong sistema, maging sa kasalukuyan. Sa UP, nagpatupad ng nakabalatkayong pagtaas sa matrikula, mula sa base tuition na P1,000 kada yunit tungong P1,500 sa pamamagitan ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP), isang programa kung saan iginugrupo sa mga “income bracket” o kakayahang magbayad ng matrikula ang mga estudyante. Sa dalawang dekadang implementasyon ng STFAP, ang nasabing programa ay nagbigay-daan sa pagbaba ng bilang ng mga estudyante ng UP na nakatatamaasa ng libreng matrikula mula sa 20 porsyento noong 1991 tungong isang porsyento na lamang ng populasyon ng UP noong 2010.
Gayundin ang sitwasyon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), kung saan nagpatupad ngayong taon ng mga bagong bayarin sa kabila ng pagtutol ng mga estudyante. Sa pagtaya ng DBM, tataas din ang panloob na kita ng PUP mula sa P340 milyon ngayong taon tungong P350 milyon sa 2013. Bahagi ng inaasahang pagtaas sa panloob na kita ay magmumula sa pagtaas ng kita mula sa mga estudyante mula sa P203.3 milyon ngayong taon tungong P209.4 milyon.
Ang lumulobong presyo ng matrikula at iba pang bayarin sa SUCs ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang drop-out rate sa kolehiyo. Ayon sa 2007 Annual Poverty Indicators Survey (APIS), 65.8 porsyento ng mga mag-aaral sa mga pampublikong pamantasan ay nagdra-drop out rin kalaunan dahil sa taas ng bayarin.
Samantala, tila may pagkiling din ang pamahalaan sa mga pribadong pamantasan. Gayong taunan nang nagtataas ng matrikula ang mga pribadong pamantasan sa bansa, naglaan pa ng P900 milyon ang gobyerno sa susunod na taon para sa programang Private Education Student Financial Assistance (PESFA) at Training for Work Scholarship Program (TWSP) na naglalayong tulungan ang 97,821 mag-aaral sa mga pribadong pamantasan na kumukuha ng mga kursong kaugnay ng turismo, business process outsourcing, semiconductor and electronics, at agri-fisheries. Ipinapakita ng ganitong proyekto na maging ang gobyerno ay kinikilala ang lubhang napakataas na matrikula sa mga pribadong pamantasan. Ngunit sa halip na magpatupad ng mga palisiyang direktang magpapababa sa matrikula, naglaan pa ang gobyerno ng pondong direktang mapupunta sa kita ng mga pribadong pamantasan.
Unti-unting pag-abandona sa edukasyon
Higit pa sa pagiging mapanlinlang ng pagtaas ng pondo para sa SUCs sa susunod na taon, nakababahala rin ang layunin ng badyet na ito na ihinanda ng rehimeng Aquino.
“Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito.” (Aquino, 2013 State of the Nation Address)
Ayon sa DBM, sa paghahanda ng badyet ng SUCs para sa 2013, sinunod ng ahensya ang Roadmap to Public Higher Education Reform (RPHER) 2011-2016, ang pangunahing plataporma ng rehimeng Aquino hinggil sa edukasyong tersyaryo. Nakababahala ang nilalaman ng nasabing dokumento, sapagkat mas pinaiigting nito ang pagkatali ng edukasyong tersyaryo sa pandaigdigang merkado.
Ipinagpapatuloy ng RPHER ang mga palisyang ipinatupad ng mga nakaraang administrasyon na tahasang pag-abandona sa edukasyon ang tunguhin, gaya ng Higher Education Modernization Act at ang Long-term Higher Education Plan ng administrasyong Ramos at Arroyo.Nakaangkla ang RPHER sa mga alituntuning itinakda sa Philippine Development Plan (PDP) ni Aquino kung saan nararapat magsilbi ang pampublikong edukasyong tersyaryo sa dikta ng pandaigdigang merkado.
“The challenge for the tertiary education is not just broadening but rationalizing the access of the economically and socially-disadvantaged and potentially-restive population…Significantly, the need to produce enough competent and skilled workforce that will match domestic needs has become much more compelling.” (Philippine Development Plan 2011-2016)
Ganito rin ang tono ng pananalita ni Aquino sa kanyang 2013 Budget Message:
“Let me emphasize that these funds must be used to improve the capabilities and skills of our pool of graduates, particularly for industries where we seek greater global competitiveness.”
Ayon sa CHED, RPHER ang sagot sa tatlong pangunahing suliranin ng sistema ng pampublikong edukasyong tersyaryo sa Pilipinas, kabilang ang “kawalan ng pangmatagalang balangkas,” “bumababang kalidad,” at “limitadong access.” Sa ilalim ng RPHER, mas paiigtingin pa ang “rationalization plan” para sa SUCs.Ilan sa pangunahing nilalaman ng RPHER ang sumusunod:
1. Paglikha ng isang bagong “tier system” na nagru-grupo ng mga SUCs batay sa kanilang antas ng kalinangan at kahusayan – sa ilalim ng sistemang ito, magkakaroon ng tatlong grupo ng SUCs: 19 na SUCs ang kabilang sa “leading SUCs” (kabilang ang UP, Philippine Normal University, at Mindanao State University), 37 SUCs ang kabilang sa “Tier 1 developing SUCs” (kabilang ang PUP, Technological University of the Philippines, at Rizal Technological University), samantalang ang natitirang 51 SUCs ay ibinilang sa “Tier 2 developing SUCs” (kabilang ang Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology).
Sa ganitong sistema, uunahing bigyan ng mas malaking pondo ang “high-performing” SUCs kaysa “underperforming SUCs.” May direktang epekto na ang palisiyang ito sa badyet ng SUCs sa taong 2013. Ayon sa datos ng DBM, ang mga pamantasang kabilang sa grupo ng “leading SUCs” ay makatatanggap ng badyet para sa CO na nagkakahalaga ng P15 milyon hanggang P1.4 bilyon. Samantala, mas mababa ang pondo para sa CO na laan para sa mga pamantasang nasa Tier 1, na aabot lamang ng P7 milyon kada SUC. Pinakamababa ang pondong matatanggap ng mga nasa Tier 2, na P4 milyon pababa kada SUC lamang ang matatanggap na CO sa susunod na taon.
Bagaman sa unang tingin ay makatutulong ito sa mga pamantasang gaya ng UP sapagkat nangangahulugan ito ng mas mataas na pondo para sa susunod na mga taon, hindi naman nito isinasaalang-alang na ang mababang performance rating at mabagal na pag-unlad ng kalakhan ng SUCs ay bunsod rin ng kakulangan sa pondo sa mga nagdaang taon. Sa ganitong patakaran, hindi rin nakabatay sa tunay na pangangailangan ng mga pamantasan ang pondong kanilang natatanggap.
2. Rationalization ng bilang at distribusyon ng SUCs – nangangahulugan itong maaaring may mga pamantasan na pagsanibin o hindi kaya ay tuluyang ipasara upang mas maging kapaki-pakinabang at efficient umano ang sistema ng mga pampublikong pamantasan. Halimbawa nito ang isa sa inilatag na priority bills sa Philippine Development Plan, ang “Regional University System in Region 11 Bill,” na naglalayong itayo ang Southeastern Philippines Regional University na magsasanib sa apat na SUCs sa rehiyon ng Davao. Sa halip na bigyan ng sapat na pondo ang kasalukuyang SUCs upang malinang ang kakayahan ng bawat isa, lalong paiigtingin ng palisiyang ito ag pagbabawas at pagsasanib ng SUCs – isang paraan upang lalong makatipid ang gobyerno at mabawasan ang pondong laan para sa edukasyong tersyaryo.
3. Rationalization ng program offerings ng SUCs – nakatakda ring tanggalin o ipasara ang ilang mga kurso na sa tingin ng CHED ay labas na sa mandato ng mga partikular na pamantasan o hindi kaya’y “duplicative” o kasalukuyan nang ibinibigay sa mga pribadong pamantasan. Sa ilalim ng repormang ito, ang mga kursong laganap nang inaalok ng mga pribadong pamantasan gaya ng nursing, tourism, business administration, at education ay nanganganib ipasara o tanggalin sa mandato ng SUCs.
Ayon sa CHED, mas makabubuti kung magbibigay ng higit na atensyon ang SUCs sa paglinang ng mga kursong hindi inaalok ng mga pribadong pamantasan upang hindi maging “duplicative” ang sistema ng edukasyon sa bansa. Kung susuriin, pabor ang ganitong reporma sa mga pribadong pamantasan, sapagkat CHED na mismo ang kikitil sa natural nilang kumpetisyon para sa mga estudyante sapagkat sa ganitong paraan, mapipilitan ang mga estudyanteng nais mag-aral ng nasabing mga kurso sa mga pribadong pamantasan.
Gayundin, ipasasara ang mga kursong wala sa mandato ng mga pampublikong pamantasan. Halimbawa, kung isang “agricultural university” ang isang SUC, nararapat umanong magbigay ito ng higit na pansin sa pagpapaunlad ng mga kurso sa agrikultura at tanggalin na ang mga kursong hindi naman kaugnay ng kanilang mandato. Sa ganitong sistema, hindi nakikita ng CHED na magiging balakid ito sa pag-aaral ng maraming estudyante sapagkat sa maraming rehiyon, iilan lamang ang pampublikong pamantasan at kung ipasasara pa ang ilan sa mga kurso, malilimitahan nito ang mga estudyante sa mga kursong maaari nilag kunin.
4. Rationalization ng paggamit ng pondo at pagkita ng mga pampublikong pamantasan – sa ilalim nito, nakatakdang palawakin ang saklaw ng NFF upang hindi na lamang MOOE kundi pati PS ay nakabatay na rin sa isang set ng performance indicators. Nangangahulugan itong kung sakaling bumaba ang enrolment, passing rate at iba pang salik sa ilalim ng NFF, nanganganib ring bumaba ang pondo ng SUCs, hindi na lamang para sa MOOE, kundi maging sa PS.
Isa pang reporma ang pagpapatupad ng mga bagong school fee scheme, kung saan mababawi umano ng mga pamantasan ang kanilang mga ginagasta. Nakatakdang magpatupad sa lahat ng SUCs ng isang programang kahalintulad ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) ng UP pagsapit ng 2016. Ayon sa CHED, sa ganitong pamamaraan, mas lalaki ang kita ng mga pamantasan dahil ang paniningil ng matrikula ay magiging batay na sa kakayahan ng mga estudyanteng magbayad. Sisingilin ng mas mataas ang mga mag-aaral na maykaya, samantalang mas mababa ang matrikulang babayaran ng mga mahihirap.
Gayunman, dudulo lamang ang ganitong reporma sa pagpapataas ng matrikula sa SUCs. Sa karanasan ng UP, nagbigay-daan ang STFAP upang mapataas ang matrikula at iba pang bayarin. Sa katunayan, sa dalawang dekadang pagpapatupad ng STFAP sa UP, napababa nito ang bilang ng mga estudyanteng libre ang matrikula mula sa 20 porsyento ng populasyon noong 1991 tungo sa kasalukuyang isang porsyento na lamang.
Bahagi rin ng RPHER ang pagpapaigiting sa income-generating projects ng SUCs, kabilang ang pagpapaupa ng lupa, pagpasok ng mga kasunduan sa pribadong sektor at iba pang pamamaraan. Balak ng CHED na sa pagsapit ng 2016, may 22 SUCs na ang may kakayahang kitain ang 50 porsyento ng kabuuang pangangailangan nila at sa gayon ay hindi na umasa sa pamahalaan.
Sa ganitong pagtingin sa edukasyong tersyaryo, tahasang itinuturing ng gobyerno ang edukasyon bilang isang negosyo na nararapat pagkakitaan. Samantalang pinipilit nitong kumita ang SUCs ng sariling pondo upang hindi na sila umasa sa gobyerno, pinapanigan pa nito ang pribadong sektor sa pamamagitan ng pagpapasara ng mga kurso sa SUCs na inaalok na ng mga pribadong pamantasan. Gayundin, ibinubuyangyang ng gobyerno ang mga pampublikong pamantasan sa mga negosyanteng nais pagkakitaan ang mga lupain at ari-arian ng SUCs na laan sana sa gawaing pang-akademiko. Higit pang nakababahala ang epekto nito sa mga mag-aaral. Lalong sisirit ang matrikula at iba pang bayarin, na dudulo sa pagdami ng kabataang hindi kakayaning makapagtapos ng pag-aaral.
Gayundin, tahasan nang isinasalig ng gobyerno maging ang pagpopondo sa mga pampublikong pamantasan sa pandaigdigang merkado. Sa halip na linangin ang mga kursong kinakailangan upang makalikha ng mga pambansang industriya sa bansa, layon ng gobyerno na higit na pagtuunan ng pansin ang mga kursong “patok sa merkado,” gaya ng turismo, business process outsourcing, semiconductor and electronics, at agri-fisheries.
Habang makatutulong ito sa ilan, higit naman itong makapipinsala sa maraming mga kursong sinasabing “non-marketable.” Sa pagtahak sa landas na ito, tuluyan nang itinatakwil ng gobyerno ang paniniwalang ang pag-aaral ay isang karapatang hindi nararapat itakda ng anumang dikta ng merkado at ekonomiyang panlabas, bagkus ay nararapat nakalaan sa paglinang ng ating panloob na ekonomiya at industriya.
Ipinagpapatuloy ng rehimeng Aquino ang neoliberal na ideyang ang edukasyon ay isang “investment” na nararapat pagkakitaan at tumubo. Sa ganitong pagtingin, ipinapalagay na ang mga mag-aaral sa mga pampulikong pamantasan ay mga trainee na sa kalauna’y ilalako sa mga multinasyunal na kumpanyang palagiang naghahanap ng barat na lakas paggawa.
Pagpapaigting ng laban
Sa ganitong pagkilatis sa panukalang badyet ng SUCs para sa susunod na taon, hindi pasasalamat ang nararapat isalubong ng kabataan sa doble-kara at mapanlinlang na pagpopondo ng rehimeng Aquino. Sa halip, pagpapaigting ng panawagan para sa makabuluhang badyet para sa edukasyong tunay na nagsisilbi sa bayan ang nararapat igiit ng kabataan.
Nararapat makilala ng kabataan na ang pagtaas ng pondo ng SUCs ngayong taon ay isang malaking panlilinlang, at sa kalauna’y dudulo rin sa pagsirit ng presyo ng matrikula at pag-abandona ng gobyerno sa obligasyon nitong pondohan ang SUCs.
Kinakailangang salubungin ng kabataan ang nakaambang pagpapaigting ng komersyalisasyon ng edukasyon ng isang mas pinaigting at pinalakas na kilusan. Hindi na lamang usapin ng pagpapataas ng badyet ang nararapat pagtuunan ng pansin, kundi ang pangmatagalang plano ng gobyerno para sa edukasyong tersyaryo. Kasama ang malawak pang hanay ng kilusang masa, kinakailangang ilantad ng kabataan ang panlilinlang ng rehimeng Aquino at tahasan itong itakwil at labanan.●









